
HINDI na nagpaligoy-ligoy si Will Ashley nang usisain tungkol sa estado ng relasyon nila ni Mika Salamanca!
Sa guesting ng aktor sa GTV showbiz program na “Chika Cart” kamakailan lang, isa sa mga naging sentro ng usapan ang kanyang espesyal na ugnayan sa kaparehang aktres sa upcoming GMA Afternoon Prime series.
Sa pangunguna ni “Chika Authority” Jeff Fernando, diretsahang tinanong si Will kung ano na nga ba ang namamagitan sa kanila ni Mika, lalo’t pinag-usapan kamakailan ang heartfelt birthday greeting ng aktres para sa kanya.
“Kung anong meron kami ngayon, we’re very happy. ‘Yun lang ang masasabi ko sa ngayon,” matapang na pahayag ni Will.
Baka Bet Mo: Will Ashley super blessed: Araw-araw sinosorpresa ako ni Lord!
Mukhang hindi lang basta kilig ang hatid ng kanilang samahan dahil inamin din ng aktor na malaking bahagi ng kanyang kasiyahan si Mika.
“Sinabi ko rin ‘to sa isang interview ko, si Mika ‘yung safe space ko. Every time na magkasama kami, I’m happy, we’re happy. ‘Yun naman ‘yung nagma-matter talaga,” giit niya.
Binalikan din ni Will ang unang pagkakataon na sinubukan niyang manligaw kay Mika, ngunit hindi pa siya nito sinagot ng oo.
“Si Mika kasi very straightforward, wala siyang paligoy-ligoy, pero bibigyan ka niya ng mga dahilan niya,” kwento ng aktor.
“Nu’ng time kasi na ‘yun, talagang hindi pa ina-allow ng panahon, hindi pa rin ina-allow ng sitwasyon, and hindi ko rin naman talaga siya masisisi sa sagot niya nu’ng time na ‘yun. And actually, nag-make sense talaga nung mga time na ‘yun kasi sabi ko, oo nga, masyadong mabilis,” paliwanag ni Will.
Hindi naman doon nagtapos ang kwento ng aktor dahil sa halip na tuluyang sumuko, nagpasya siyang bigyan pa ng pagkakataon ang sarili na patunayan ang kanyang intensyon.
Matapos ang isang buwan, muling naglakas-loob si Will na kausapin si Mika at humiling ng panahong maipakita kung ano ang kaya niyang gawin.
“Pero ayun nga, nung time na ‘yun, sabi ko, oo nga tama nga naman siya. So parang after a month, nagsabi ako sa kanya ng bigyan mo ko ng one month, ipapakita ko sa’yo ‘yung kaya ko,” chika ni Will.
Nang tanungin kung ano ang pinagkaiba ng una at ikalawa niyang pagtatangka na mapalapit kay Mika: “Well siguro ngayon, natuto na akong mag-express ng feelings. Kasi parang ‘yung mindset ko, take the risk or lose the chance. All or nothing talaga, kasi parang binigyan ka ng chance, kahit sa anong bagay, ‘di ba, ‘pag binigyan ka ng chance, gawin mo na, at least wala kang regrets,” ani ng Kapuso actor.
The post Will Ashley sa estado nila ni Mika Salamanca: ‘Siya ang safe space ko’ appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/457236/will-ashley-sa-estado-nila-ni-mika-salamanca-siya-ang-safe-space-ko
Original author: pdelrosario












