
TINAWAG ni Sen. Robin Padilla na “utak kriminal” ang 14-anyos na suspek sa pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City noong June 23.
May galit ang naging pahayag ng action star at senador laban sa menor de edad na nakapatay ng tatlong estudyante matapos mamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban kasama ang isa pang batang suspek.
Sa Facebook post ni Padilla, lantaran niyang tinawag na utak kriminal ang nasabing binatilyo at nararapat lang daw maparusahan ng batas sa nagawa nitong krimen.
“Nais maging pulis? Batang bata pa pero utak kriminal na kung paikutin ang mga nasa paligid n’ya?” ang pahayag ni Padilla.
Dagdag pa niya, “Paanong naging menor de edad ang pag iisip at dibdib niyan?”
Samantala, sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa malagim na pamamaril sa nabanggit na public school sa Tacloban City, sinabi ng tiyahin ng suspek na pangarap daw pamangkin niya na maging pulis katulad niya.
Pinatawag sa hearing ang tiyahin ng suspek dahil ang mismong ang service firearm niya ang ginamit ng binatilyo sa pamamaril.
Esplika ng pulis, nakalagay daw sa isang plastic locker ang kanyang baril noon at siya lang daw ang may hawak ng susi nito.
“Plastic locker and my firearm were inside a gun box. The locker was locked as well po and I’m the only one who has the possession of the key to my house,” ang pahayag ni PSSG. Arla Ray Paciencia, ang tiyahin ng suspek.
Kasunod nga nito, tila patama sa naturang committee hearing ang ipinost ni Padilla sa social media.
“‘Wag n’yo pahabain ang usapan at wala na tayong oras na dapat sayangin upang tunay tayong makapagsagip ng buhay at kinabukasan ng mga bata. Kilos na komite ng hustisya!” sabi ng senador.
The post Robin sa suspek sa Tacloban shooting: Batang-bata pa utak kriminal na appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/449304/robin-sa-suspek-sa-tacloban-shooting-batang-bata-pa-utak-kriminal-na
Original author: esantiago





