
SA paggunita ng Mental Health Awareness Month, mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng anxiety at depression, makilala ang mga senyales nito, at malaman kung paano makatutulong sa mga taong nakararanas ng mga ito.
Ayon kay Tricia Zafra, licensed psychologist ng Mind Care Center ng Perpetual Help Medical Center sa Las Piñas City, magkaiba ang anxiety at depression, bagama’t maaari itong maranasan ng isang tao nang sabay.
“Pag sinabing anxiety, ‘yung dominant na pakiramdam ay ‘yung takot, sobra-sobrang takot, pag-aalala, ‘yung pag-a-anticipate na may kailangang paghandaan o kaya palaging may masamang mangyayari,” paliwanag ng psychologist.
Baka Bet Mo: Mental Health Awareness Month: 5 senyales ng ‘burnout’ na hindi dapat balewalain
Esplika pa niya, “Pag depression naman, ‘yung dominant na pakiramdam dyan ay ‘yung low mood, mababa ‘yung mood, kawalan ng interest o pleasure, kawalan ng motibasyon, low energy, at minsan may kasama pang pagbabago sa tulog, sa appetite, o kaya hirap sa pag-concentrate.”
“Magkaiba ‘yung dalawang ‘yan, pero pwede silang maranasan nang sabay,” sey ni Zafra.
Mga senyales na hindi dapat balewalain
Hindi lahat ng nakakaranas ng depression ay laging malungkot o walang sigla.
“Sa depression, madalas hindi obvious ‘yung low mood o kaya low energy. Pero sa depression, pwedeng merong irritability, palaging irritable o kaya minsan laging galit,” sambit ni Zafra.
Maaari ring mawalan ng gana sa pagkain o kaya ay mapadalas ang pagkain.
Samantala, ang anxiety ay maaaring mapagkamalang simpleng sobrang pag-iisip o pagiging hindi mapakali.
Gayunman, mahalagang tingnan kung gaano kadalas at katagal nararanasan ang mga ito, pati na ang epekto sa pang-araw-araw na buhay.
“Pero ang importanteng makita kasi natin dito ay ‘yung pattern. Tuloy-tuloy ba siya? Paulit-ulit? At gaano na ba kalagay yung epekto niya sa araw-araw na pamumuhay ng tao?” dagdag ng psychologist.
Paano makakatulong nang hindi nakakasakit?
Para sa mga kapamilya at kaibigan ng taong maaaring nakakaranas ng anxiety o depression, mahalaga ang simpleng pangungumusta at pakikinig nang walang panghuhusga.
Ayon kay Zafra, hindi kailangang magkunwaring lubos na nauunawaan ang pinagdaraanan ng isang tao.
Sa halip, mas makabubuting iparamdam na handang makinig at umalalay.
“Malaking tulong ‘yung pangungumusta. At mas malaking tulong ‘yung pakikinig nang walang judgment. At kapag nag-open sila, importante na hindi natin i-assume na alam natin o naiintindihan natin ‘yung dinaranas nila o nararamdaman nila. Kasi baka hindi. So ang pinaka-importante ay masabi natin sa kanila na andito tayo para makinig at ‘yung huwag natin silang husgahan,” aniya.
Nagbabala rin si Zafra laban sa mga payong maaaring magmukhang pagmamaliit sa nararamdaman ng isang tao, kahit mabuti ang intensyon ng nagsasabi nito.
Kabilang dito ang mga katagang “be positive lang,” “choose to be happy,” at “Okay lang ‘yan. Mas marami pang tao ang may mas malaking problema sa’yo.”
Ipinaliwanag niyang maaaring ma-invalidate o maramdaman ng taong nakararanas ng anxiety o depression na hindi mahalaga o hindi dapat bigyang-pansin ang kanyang nararamdaman kapag nakaririnig ng ganitong mga pahayag.
Sa halip, iminungkahi niyang maging tapat at magpakita ng kahandaang makinig.
“Mas mainam na magsabi tayo ng totoo. Halimbawa magsabi tayo na, ‘Alam mo, hindi ko lubusang naiintindihan ‘yung nararamdaman mo o dinadanas mo pero andito ako, makikinig ako.’ Pero pag sinabi natin ‘yun na makikinig tayo, dapat makinig tayo mabuti. Tsaka ‘wag natin silang huhusgahan,” paliwanag ni Zafra.
Dagdag pa niya, mahalagang maramdaman ng taong dumaranas ng ganitong sitwasyon na mayroon siyang mapagkakatiwalaang makikinig sa kanya nang walang panghuhusga, kasabay ng pangangailangan para sa propesyonal na tulong.
Huwag hintaying lumala bago humingi ng tulong
“Tandaan natin na hindi natin kailangang hintayin na maging malala ‘yung dinadanas nating pagdurusa, distress o suffering bago tayo humingi ng tulong ng professional help,” giit ng psychologist.
Bilang unang hakbang, maaaring magpa-appointment sa guidance counselor, psychologist, psychiatrist, o iba pang kwalipikadong mental health professional upang matukoy ang angkop na suporta at tulong na kailangan.
The post Mental Health Awareness Month: Paano tutulungan ang may anxiety at depression? appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/457255/mental-health-awareness-month-paano-tutulungan-ang-may-anxiety-at-depression
Original author: pdelrosario












