
NAGALIT nang bonggang-bongga ang aktres na si Matet de Leon sa driver ng bus na nakabangga sa kanilang sasakyan sa isang bahagi ng EDSA.
Ipinost ng anak ng yumaong Superstar at National Artist sa social media ang nangyaring insidente nitong nagdaang Huwebes, August 27.
Nag-sorry si Matet sa lahat ng mga motoristang naabala dahil sa pansamantalang traffic na idinulot ng kinasangkutan nilang banggaan.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Matet na nasagi ng isang bus ang kanilang sasakyan, “Gusto kong humingi ng pasensiya sa mga taong naabala nang panandalian kanina sa may edsa.
“Nasagi kami ng bus kanina habang nakahinto sa kanto, sa likod ng jeep.”
Ayon sa aktres, pinalampas na lamang daw nila ang insidente para hindi na tumagal pa ang abala sa mga motorista at pasaherong bumabaybay sa EDSA.
“Nakakapikon. Pero para maiwasan ang abala sa mga taong pagod na at pauwi na galing trabaho, pinalipas na namin ito,” aniya.
Kasunod nito ang pagbibigay niya ng paalala sa tsuper ng bus, “Sa’yo naman, kuya driver, kung nababasa mo to, ingat na lang sa susunod. Baka next time, maka disgrasya ka na talaga.”
Baka Bet Mo: Matet tinalakan epal na bashers: Mga amoy tuyo’t tinapa na kayo!
Pagpapatuloy ng aktres, “Hindi ako naging mabait sa driver kanina. Pero ang importante, yung mga taong sakay niya at mga mata traffic sa likod eh makauwi na agad.
“Nagalit ako Kuya, nang malala.
“Pero normal lang naman sigurong reaksiyon yon lalo na’t kasama namin sa sasakyan ang anak ko,” sabi pa ni Matet.
The post Matet nagalit nang malala sa bus driver, nag-sorry sa mga natrapik sa EDSA appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/453625/matet-nagalit-nang-malala-sa-bus-driver-nag-sorry-sa-mga-natrapik-sa-edsa
Original author: pdelrosario





