
BONGGANG collaboration ang ibinandera ng GMA Network at Viva Music Group upang mas palakasin pa ang Original Pilipino Music (OPM).
Sa pamamagitan ng GMV Studios, lumagda sa isang 50-50 joint venture agreement ang Kapuso Network kasama ang Viva Music Group para sa mga negosyong may kaugnayan sa musika, kabilang ang produksiyon ng musika, recording, marketing, promosyon at distribusyon, artist management, at music publishing.
Bilang isang mahalagang hakbang sa estratehikong pagpapalawak ng GMA sa industriya ng entertainment, ang makasaysayang kasunduang ito ay bunga ng matagumpay na pakikipagtulungan ng istasyon at Viva Communications Inc. sa mga nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, dala ng GMA ang kanilang mga multi-platform program, malawak na saklaw ng broadcasting sa buong bansa, at hanay ng mga matagumpay at nangangakong talento.
Ito ay sinusuportahan naman ng malawak na katalogo ng Viva Music Group, network ng mga nangungunang artista, at kanilang kahusayan sa produksiyon.
Dumalo sa contract signing sina GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes, Sparkle GMA Artist Center First Vice President Joy Marcelo, at Sparkle Talent Management Assistant Vice President Tracy Garcia, kasama sina Viva Group of Companies Chairman at CEO Vicente “Boss Vic” del Rosario Jr., Vicor Music President at COO Antonio M. Ocampo, at Viva Records Corporation President Verb del Rosario.
Sa pamamagitan ng GMA Music, ang music arm ng GMA Network, pinagtitibay ng kolaborasyong ito sa Viva Music Group ang pangako ng GMA Network na itaguyod at ipagdiwang ang world-class na talento ng mga Filipino artists.
Sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga lokal na artista, muling pinagtitibay ng GMA ang papel nito bilang tagapagtaguyod ng industriya ng musikang Pilipino.
Dumalo rin sa naturang signing sina Viva Communications Inc. President Vincent del Rosario at Studio Viva President at COO Valerie del Rosario.
Bilang suporta sa malikhaing proyektong ito ng GMA Network, naroon din sina Sparkle Consultant Lawrence Tan at mga Sparkle artist na sina Ysabel Ortega, Jeff Moses, Anthony Rosaldo, Princess Aliyah, Vianna Ricafranca, at ang P-pop girl group ng Sparkle na Dollipop.
Sa kanilang iisang layunin na itaguyod ang pagmamalaking Pilipino sa pamamagitan ng musika, ang makasaysayang alyansa ng GMA at Viva ay naglalagay sa Pilipinas bilang isang matatag na kakumpitensya sa pandaigdigang industriya ng musika.
Nagbubukas din ito ng mga bagong oportunidad para sa pagtuklas at pagtangkilik ng musika ng iba’t ibang uri ng manonood at tagapakinig.
The post GMA, Viva Music Group sanib-pwersa para sa future ng OPM appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/448723/gma-viva-music-group-sanib-pwersa-para-sa-future-ng-opm
Original author: esantiago





