
BINIGYAN ng ilang standing ovation ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid sa unang gabi ng kanyang 3-night sold-out “FINALE” concert, kagabi, October 17.
Kabilang sa pinalakpakan nang bonggang-bongga at nakatanggap ng standing ovation mula sa audience ay ang kanyang mga awiting “Narito Ako,” “I Don’t Want to Miss a Thing,” at “What Kind of Fool Am I?”
Tampok din sa concert ang duet ni Regine at ng kanyang asawang si Ogie Alcasid ng kanta nilang “Hanggang Ngayon.”
Tuwang-tuwa naman ang mga fans nang pumagitna on stage ang mga kaibigan ni Regine na sina Mikee Cojuangco at Donna Cruz.
Baka Bet Mo: Regine Velasquez hindi pa magre-retire sa showbiz, pero…
Sandamakmak na video ang ipinost sa social media ng mga nanood ng “FINALE” tampok ang reunion nina Donna, Regine at Mikee.
Sina Donna, Regine at Mikee ang bumida sa hit 1996 musical comedy film na “Do Re Mi” na ipinalabas noong 1996.
At kinanta nga nila sa first night ng “FINALE” concert ni Regine ang theme song ng movie na “I Can” na umani rin ng malakas na hiyawan at palakpakan.
Bukod dito, ipinamalas din sa concert ang talento ng DNA, isang P-pop girl group, at ng bagong tatag na banda na binubuo ng mga pamangkin ni Regine, kasama ang kanyang anak na si Nate.
Tinapos ni Regine ang unang gabi ng “FINALE” sa pamamagitan ng isang bonggang segment na “Regine-oke” kung saan inikot niya ang MOA Arena sakay ng isang mechanical golden bird float.
Nilibot niya ang venue habang kinakanta ang medley ng “Crazy for You,” “Dancing Queen,” at “If Ever You’re in My Arms Again.”
Ang “FINALE” ay bahagi rin ng ika-40 anibersaryo ni Regine sa entertainment industry.
The post DoReMi: Regine Velasquez, Dona, Mikee nag-reunion sa ‘FINALE’ appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/457243/doremi-regine-velasquez-dona-mikee-nag-reunion-sa-finale
Original author: pdelrosario












