
MAGPAPASIKLAB ng bagong kanta si Blackpink Jennie sa paparating na animated film na pinamagatang “Steps.”
Inanunsyo ng Netflix ang pagdating ng “Steps” (Soundtrack from the Netflix Film) sa darating na November 20 tampok ang bagong awiting “Someone to Hold” na inawit ni Jennie.
Bukod sa bagong kanta ng K-pop superstar, tampok din sa soundtrack ang apat na orihinal na awiting isinulat at ginawa ng Grammy-nominated songwriter at producer na si Justin Tranter.
Makakasama rin sa musical project ang karagdagang vocals mula sa Oscar-nominated actress na si Amanda Seyfried, singer-songwriter na si Rose Gray, at Emei.
Baka Bet Mo: Ai Ai sa bashers ng ‘BLACKPINK paandar’ sa The Clash: Thank you napansin n’yo ako
Si Rose Gray ay katuwang din ni Tranter sa pagsulat ng mga kanta.
Samantala, si Kris Bowers, ang Oscar-winning composer na nakilala rin sa paggawa ng musika para sa seryeng “Bridgerton,” ang bumuo ng original score ng pelikula.
Mapapanood sa Netflix at mapapakinggan sa mga streaming platform ang “Steps” at ang companion soundtrack nito simula November 20.
Kung ang nakasanayan nating kwento ay tungkol sa kontrabidang mga stepsister ni Cinderella, mukhang may bagong bersiyon na dapat abangan!
Sa “Steps,” bibigyang-kulay ang kwento ng magkapatid na sina Lilith at Margot, na sawa nang mamuhay sa anino ni Cinderella.
Sa halip na manatili sa kanilang nakagawiang papel sa fairytale, magdedesisyon si Lilith na nakawin ang mahiwagang wand ng Fairy Godmother, na magdudulot ng malaking kaguluhan sa Royal Ball.
Makakasama niya sa planong ito ang kapatid na si Margot.
Ngunit ang kanilang pakikialam sa magic ay magbubukas ng pagkakataon para maagaw ni Priscilla, isang tuso at mapanganib na kontrabida, ang trono at mamuno sa kaharian nang may kalupitan.
Dahil dito, mapipilitang makipagtulungan si Lilith kay Cinderella upang iligtas ang kanilang kaharian.
<iframe width="560" height="315" src="https://www.youtube.com/embed/tNV4i3BqUGY?si=cM5Yg5lpGoapbVUy" title="YouTube video player" frameborder="0" allow="accelerometer; autoplay; clipboard-write; encrypted-media; gyroscope; picture-in-picture; web-share" referrerpolicy="strict-origin-when-cross-origin" allowfullscreen></iframe>
Hindi rin pahuhuli ang “Steps” pagdating sa mga artistang magbibigay-buhay sa mga karakter nito.
Boses ni Ali Wong si Lilith, habang si Stephanie Hsu naman ang gaganap bilang Margot.
Si Amanda Seyfried ang magbibigay-buhay kay Cinderella, at si Nikki Glaser ang boboses sa kontrabidang si Priscilla.
Kasama rin sa voice cast sina Daniel Radcliffe, Young Mazino, Peter Dinklage, Bette Midler, at Damian Priest.
Sina Alyce Tzue at John Ripa ang nagsilbing direktor ng pelikula.
Bahagi ang “Steps” ng hanay ng mga animated feature film ng Netflix, na kinabibilangan din ng hit na “KPop Demon Hunters,” Oscar-winning na “Guillermo del Toro’s Pinocchio,” at mga kinilalang pelikulang “Nimona,” “The Sea Beast,” “The Mitchells vs. The Machines,” at “Klaus.”
The post Bagong fairytale adventure na ‘Steps’ ipinasilip, tampok kanta ni Blackpink Jennie appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/457246/bagong-fairytale-adventure-na-steps-ipinasilip-tampok-kanta-ni-blackpink-jennie
Original author: pdelrosario












