
WALANG oras at abala ka ba sa nauusong kumplikadong skincare steps?
Huwag mangamba mga ka-BANDERA, dahil may mahalagang paalala ang board-certified dermatologist na si Dr. Sheehan Tolentino-Almadani pagdating sa tamang skin care routine.
Ayon kay Dr. Sheehan, hindi kailangang gumastos o sumubok ng napakaraming produkto para magkaroon ng healthy skin.
“Ang pinaka-basic na skincare products na kakailanganin niyo ay cleanser twice a day, sunscreen every morning para proteksyon sa UV rays, retinoids sa gabi para maiwasan ang acne at mapabagal ang skin aging, at moisturizer para maiwasan ang irritation,” saad ng doktora.
Baka Bet Mo: Derma explains: 10 ‘acne myths’ na dapat mong malaman!
Giit niya pa, hindi kailangan ng 10-step skincare routine para gumanda ang balat.
Pagdating sa paggamit ng skincare products, ipinaliwanag ng dermatologist na hindi agad nakikita ang resulta.
“Most products would take about four to eight weeks bago mag-start working,” sey niya.
May ilang pagkakataon din na nakakaranas ng “purging” o pansamantalang pagdami ng pimples matapos simulan ang produkto.
“Normal ‘yun at part ng process. Usually two to eight weeks bago humupa ang purging. Pero kung lagpas na at hindi pa rin tumitigil ang breakouts, mas mabuting itigil na ang produkto,” paliwanag niya.
Isa rin sa pinakaimportanteng paalala ng dermatologist ay ang pagbabantay sa reaksyon ng balat.
“Kapag nangangati at namumula agad ang balat within 24 hours, posibleng allergic reaction ito. Kailangan itigil agad at magpatingin sa dermatologist,” wika niya.
Kung sa loob naman ng ilang araw o linggo ay nakararanas ng hapdi, panunuyo, o pagbabalat, maaaring indikasyon ito ng sirang skin barrier.
“Importante na mapakonsulta para maayos ang skincare routine at mag-heal ang balat,” dagdag ni Dr. Sheehan.
Sa dami ng skincare products online, paalala ng dermatologist na maging mapanuri sa binibili.
“Wala namang masama sa pag-try ng skincare products online, pero dapat aware sa active ingredients at siguraduhing hindi counterfeit ang produkto,” panawagan niya.
“Kung nagdadalawang isip, mas mabuting kumonsulta sa board-certified dermatologist para hindi masayang ang oras at pera,” aniya.
Sa huli, binigyang-diin ni Dr. Sheehan na hindi kailangang komplikado ang skincare dahil ang mahalaga pa rin ay ang tama, ligtas, at akma sa pangangailangan ng balat.
The post Acne Awareness Month: Sapat na ba ang simpleng skincare routine? appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/448343/acne-awareness-month-sapat-na-ba-ang-simpleng-skincare-routine
Original author: esantiago





