
MAY walong pelikulang pagpipilian kung ano ang magiging opisyal na kalahok ng Pilipinas sa kategoryang Best International Feature Film ng ika-99 na Academy Awards.
Pinili ang mga pelikulang ito mula sa mga lokal na isinumite para sa pagsusuri na inanunsyo ng Film Academy noong nakaraang June 18 sa kanilang press conference na Byaheng Oscars.
Kabilang sa mga kalahok ang “58th” ni Carl Joseph Papa; “All the Things I Leave You (Patawid)” ni Jade Castro; “Filipiñana” ni Rafael Manuel; “I’mPerfect” ni Sigrid Andrea P. Bernardo; “Manila’s Finest” ni Raymond Red; “Quezon” ni Jerrold Tarog; “Silenced Nights” ni Lawrence Fajardo; at “Sisa” ni Jun Robles Lana.
“The films this year offer a spectrum of views of the Filipino experience. They look at our history, the issues we continue to face, and the ways Filipinos deal with questions of power, identity, love, freedom, and survival. Each one has its own voice and approach, showcasing our cinematic merit and any of them has the potential to connect with audiences beyond the Philippines. Whichever film we send to the Oscars will carry a Filipino story that we can be proud of,” pahayag ni Film Academy of the Philippines Director-General Paolo Villaluna.
Baka Bet Mo: Pagkapili sa ‘Heneral Luna’ bilang entry ng Pinas sa Oscars inireklamo
Ang mga nabanggit na pelikula ay ang mga sumusunod:
Binabalikan ng “58th” ni Carl Joseph Papa ang Maguindanao Massacre noong 2009 gamit ang makabagong rotoscope animation at mga archival footage, habang sinusundan ang pagsisikap ni Reynafe Castillo na kilalanin ang kanyang ama, si Reynaldo Momay, bilang ika-58 na biktima ng masaker.
Umani ng papuri ang dokumentaryo sa mga internasyonal na film festival tulad ng Rotterdam at Annecy, at kalaunan ay ginawaran ng Facing the Edge Award sa Doc Edge Festival ng New Zealand.
Kasama rin ang “All the Things I Leave You (Patawid)” ni Jade Castro—isang pelikulang nasa wikang Ilokano—ang dalawang binatang nagtatrabaho sa isang restawran na pag-aari ng pamilya.
Dito, natuklasan nila ang isang dekada nang kuwento ng pag-ibig na humantong sa pagtalakay sa mga usapin ng antas sa lipunan, intimasiya, at migrasyon.
Nagkaroon ng premiere ang BL film na ito sa NewFest sa New York, ipinalabas sa India at Argentina, at nanalo ng Best Episodic Film sa ika-37 Honolulu Rainbow Film Festival.
Sunod ang “Filipiñana” ni Rafael Manuel ang isang dalagitang ang paghanga sa presidente ng isang eksklusibong country club ay humantong sa pagtuklas niya sa karahasang nagtatago sa likod ng maayos at marangyang anyo nito.
Bilang isang matalas na satira na nagbibigay-diin sa agwat ng antas sa lipunan at pagsasamantala, umani ang pelikula ng matinding papuri mula sa “The New Yorker”, “ScreenDaily”, at “Vulture”, at ginawaran ng World Cinema Dramatic Special Jury Award for Creative Vision sa 2026 Sundance Film Festival.
Ang “I’mPerfect” ni Sigrid Andrea P. Bernardo ay nagkukuwento nang buong-puso tungkol sa dalawang kabataang may Down syndrome na lumalaban para sa karapatang bumuo ng isang malayang buhay nang magkasama.
Ang progresibong pelikulang ito na tumatalakay sa inklusyon—kung saan mga aktor na may Down syndrome ang gumanap sa mga pangunahing papel—ay nagwagi ng Best Picture sa ika-51 Metro Manila Film Festival at itinampok din sa isang espesyal na screening sa ika-27 Lucania Film Festival sa Italy.
Kabilang din ang “Manila’s Finest” ni Raymond Red ay isang period crime drama na nagaganap sa Maynila noong 1969.
Dito, ang imbestigasyon ng isang kapitan ng pulisya sa serye ng mga pagpatay ay nagbubunyag ng mas malawak na sabwatan at nagpapakita ng malupit na siklo ng lokal na korapsyon.
Nakatanggap ang pelikula ng ilang parangal sa ika-51 Metro Manila Film Festival at nagkaroon ng international premiere sa ika-25 New York Asian Film Festival.
Pasok din ang “Quezon” ni Jerrold Tarog ang pag-angat sa politika ni Manuel L. Quezon—mula sa pagiging sundalo at abogado patungo sa pagiging senador at kalaunan ay Pangulo ng Philippine Commonwealth.
Kamakailan ay nagwagi ang historical drama na ito ng Best Picture sa ika-9 na Entertainment Editors’ Choice Awards, kung saan naiuwi rin nina Tarog at ng pangunahing aktor na si Jericho Rosales ang mga parangal na Best Director at Best Actor.
Binago ng “Silenced Nights” ni Lawrence Fajardo ang buhay ng isang manggagawa matapos niyang masaksihan ang extrajudicial killing o pagpatay ng walang angkop na prosesong legal sa isang tinedyer na lalaki sa kamay ng mga pulis.
Gumawa ng kasaysayan ang sociopolitical thriller na ito bilang kauna-unahang pelikulang Pilipino na napili para sa Platform Programme ng Toronto International Film Festival—isang festival na kwalipikado para sa Oscars at isa sa mga nangungunang film market sa mundo.
Panghuli ang “Sisa” ni Jun Robles Lana ay tungkol sa isang babaeng pinaghihinalaang baliw ngunit lihim na nagsisilbing espiya para sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong Digmaang Pilipino-Amerikano.
Bilang pelikulang hudyat ng pagbabalik ng batikang aktres na si Hilda Koronel, ang makasaysayang thriller na ito ay unang ipinalabas sa competitive section ng Tallinn Black Nights Film Festival at nagwagi ng Best Screenplay sa Director’s Week section ng ika-46 na Fantasporto International Film Festival.
Ang mga kalahok ay sasailalim sa mahigpit na proseso ng pagpili na pamumunuan ng isang National Selection Committee na binuo ng Film Academy of the Philippines.
Binubuo ng mga iginagalang na eksperto sa industriya ng pelikulang Pilipino, ang komite ay inaprubahan ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS) at susuriin nito ang mga lahok batay sa kahusayang pansining, kaugnayang kultural, at potensyal para sa kampanyang internasyonal.
Iaanunsyo ng Film Academy of the Philippines ang opisyal na lahok ng bansa para sa ika-99 na Oscars sa September 4 sa seremonya ng pagbubukas ng Philippine Film Industry Month katuwang ang Film Development Council of the Philippines.
The post 8 pelikula naglalaban para maging pambato ng Pinas sa 99th Academy Awards appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/453618/8-pelikula-naglalaban-para-maging-pambato-ng-pinas-sa-99th-academy-awards
Original author: esantiago





