
NAGPAKASAL ang 26 same-sex couple sa Grand LGBTQIA+ Mass Wedding na inorganisa ng Let God Be Thy Savior (LGBTS) Christian Church sa University Hotel, UP Diliman, Quezon City last June 13.
Pinangunahan nina Pastor Mac Sangcap at Pastor Ceejay Agbayani ng naturang simbahan ang naturang seremonya.
Dumalo rin sa kasalan ang ibang miyembro ng simbahan, ninong at ninang, witnesses, at mga kapamilya at kaibigan ng mga ikinasal.
Sa misa ng kasal, nanawagan si Agbayani para sa Marriage Equality Law.
“We hope and pray na sana ang estado, ang legislators natin, mga senators natin, mga congressmen natin, gumagawa na tayo ng batas na magbibigay sa atin ng pagkilala bilang isang pamilya,” sey ni Agbayani.
Sabi pa ng pastor tungkol sa haters, “Sana madinig ninyo ang aming sumpaan, pangako sa isa’t isa. Na magsasama kaming mag-asawa, gumagawa kami ng pamilya namin. Hindi kami hiwalay sa kanilang Pilipino. We’re very family-oriented…ang LGBTQIA.”
Sa kanilang wedding vows, ibinandera naman ng ilang LGBTQ+ couples ang pagmamahal nila sa isa’t isa sa kabila ng panghuhusga.
“Maraming mga hadlang, maraming mga naghuhusga, ako pa rin yung napili mong panindigan. Hindi man tayo magka-anak o matatawag na pamilya, ang mahalaga, ikaw at ako. Sapat na at sobra-sobra pa.”
“Kahiya-hiya man sa mata ng iba, sa Diyos kailanman hindi tayo mapapahiya at masisira.”
“Kung dumating ang araw na talikuran at husgahan ka ng lahat, may isang babae na mananatili at proud sa’yo at nakakakita lahat ng sakripisyon mo. […] Without a doubt, I don’t mind who will judge us. The important is us.”
“Kahit na yung iba, maraming sinasabi para sa atin, sa trabaho. Yung iba talaga hindi nilang matatanggap na ganito, pero hindi ko sila pinakinggan kasi mahal na mahal kita.”
Matapos magsumpaan, isinuot nila ang singsing sa kanilang mga kabiyak katuwang ang mga ring bearer.
Isinagawa rin ang Veil Ceremony, Unity Candle Ceremony, at Bible Ceremony.
Pumirma rin ng Certificate of Holy Union ang mga ikinasal, mga ministro, at mga witnesses.
Bago matapos ang seremonya, humarap ang mga bagong kasal sa mga bisita at kinanta ang “Sabi Nila” ng Musikangbayan.
Sabi sa lyrics nito, “Sabi nila’y ‘di tayo para sa isa’t-isa. Dahil pareho lang tayong dalawa. Walang patutunguhan mula sa umpisa. Ang pagsasama daw na ‘di tugma.”
“Pagkat tayong dalawa’y nagmamahalang lubos. Hangarin sa isa’t-isa’y tapat. Ipaglalaban nati’t panlalait bibiguin. Mapanghusgang mundo’y babaguhin,” saad sa chorus ng kanta.
The post 26 LGBTQIA+ couple ikinasal, nanawagan para sa Marriage Equality Law appeared first on Bandera.
Article origin: https://bandera.inquirer.net/448331/26-lgbtqia-couple-ikinasal-nanawagan-para-sa-marriage-equality-law
Original author: esantiago





